Friday, August 10, 2007

wet, wet, wet


kahapon, naidaos namin ng aking asawa ang aming anibersaryo nang basang-basa... sa ulan!

nagsimula ito (kahapon) ng umaga nung matanggap ko ang kanyang elektronikong liham (e-mail) mula kay Marc (asawa ko) na aking inilagay dito sa blog ko.. (previous entry). habang ako ay nasa trabaho, iniisip ko ang mahal kong asawa at kung paano namin iseselebra ang aming anibersaryo (ng pagiging magkasintahan, bago kami naging mag-asawa).. naalaala ko noong Agosto 8, 2004, nang sambitin ko ang mga katagang, "Mahal Kita", eksaktong alas otso ng umaga, sa harap mismo ng Enchanted Kingdom (Laguna). Saksi sa pag-usbong ng aming pagmamahalan ang dalawa sa aking pinahahalagahang mga kaibigan na sina Bryan at Sarah..

Tatlong taon ang lumipas, kami ay mag-asawa na at nabiyayaan ng dalawang malulusog na anak na lalaki.. Alam naming marami pa kaming pagdadaan na pagsubok at kasiyahan, kaya umaasa kami na handugan kami ng Panginoon ng mahabang buhay upang maging maluwalhati at mas humaba pa ang aming pagsasama..

mabalik tayo sa kaganapan kahapon..

pagpatak ng alas-kwatro ng hapon, sinundo ako ni Marc sa opisina, kasagsagan ng bagyong Chedeng (o Dodong na yata yun eh). Hinatid namin ang aming butihing kaibigan na si kristine at pagkatapos ay nagtungo kami sa Haus-Land Realty upang asikasuhin ang titulo ng aming bahay at lupa.

di nagtagal, makalipas ang kulang 30 minutos, nagpunta na kami sa SM Clark upang manood ng sine. Ratatoulie ang napili naming panoorin (mahilig kasi akong magluto, at sya naman ay mahilig maglagay ng dekorasyon sa pagkain)..pagkatapos naming manood ng pelikula ay kumain kami ng dinner.. sweet!

almost 7pm na nung matapos kami sa aming dinner kaya naisipan naming umuwi para naman makasama ang mga anak namin (na naiwan kay Yaya).. pero minalas kami.. dahil nung naroon na kami sa Astropark, naabutan kami ng sanga-sangang trapik! grabeh! ang daming kotse at tricycle na pilit sumisingit!! sobra pa namang lakas ng ulan!

nung lumipas ang sampung minuto na walang gumagalaw sa mga sasakyan at walang nagbibigayan, nainis ang asawa ko at biglang lumabas sya ng kotse namin.. alam mo ba ang ginawa nya?

nagvolunteer sya na mag Traffic Aide! sinirko-sirko nya ang kanyang mga kamay, tinapik-tapik ang hood ng mga nakabalandrang sasakyan at sinabihan ang mga motorista nang: "Pare, abante ka ng konti! Kuya, konting gilid naman dyan.. Miss, atras ka muna.. Bosing, wag ka namang bumuntot dun sa tryke... Abante, Abante!" kulang na lang ang pito (whistle)!

natuwa ako dahil gumawa sya ng paraan para lumuwag ng konti ang trapiko.. ngunit nag-alala din ako para sa kanya dahil sobrang lakas nga ng ulan.. basang-basa na sya.. nanginginig na sya sa lamig, wala man lang syang payong na tinabing sa ulo nya.. ako naman, basa na rin dahil binuksan ko ang bintana ng kotse upang makita ang side view mirror.. sobrang moist na kasi sa loob ng kotse dahil sa lakas ng ulan, wala na halos makita sa salamin.. hinawakan ko ang manibela, sinusubukan kong umabante ng konti nang sa gayon ay makadaan din ang mga sasakyan na nasa gilid namin..

nang may makapansin sa ginawa ng asawa ko na pagta-trapik, may dalawang lalaking nagboluntaryo na rin na magsenyas sa mga sasakyan para umurong at sumulong..

haygrabeh! makalipas ang halos sampung minuto, umayos din ang trapiko! nagpasalamat sa amin ang isang ginang na naipit ang sasakyan sa pagitan ng isang malaking truck at isang Land Cruiser. walang kamatayang, "Thank You" ang narinig namin mula sa kanya..


nang makaluwag kami sa may highway, eto ang biglang bulalas ng asawa ko: "Ang sarap ng feeling ko Honey!".. napatingin ako sa kanya... akala ko ay naghihinalo na sya sa lagnat... yun pala, ay totoong magaan daw ang pakiramdam nya nung nagta-trapik sya.. nung makita nyang nagsisipag-urong-sulong ang mga sasakyan, napagtanto nya na nakatulong sya sa mga motorista.. ang sarap daw ng pakiramdam na may natutulungan at sinasabihan ng Salamat..

pagdating namin sa aming tahanan, nagising na ang aming mga munting anghel na dali-dali naming hinalikan.. sabi ng asawa ko nang matutulog na kami: "Honey, ilagay mo to sa blog mo ha.. ang title, Wet, Wet, Wet.. "

hehehe.. what a way to celebrate an anniversary!

pinagmamalaki ko ang asawa ko dahil sa napakalaki nyang puso para sa mga nangangailangan.. sabi ko sa sarili ko ng gabing yun, "hindi ako nagkamali sa pagpili ng mamahalin ko pang habang-buhay"

No comments:

Post a Comment